FALL OF ADAM PART 12
Binalot ng takot ang buong katawan ko. Naging alipin ako ng pangamba sa tuwing babalik sa aking alaala ang mga pagsigaw ni Cristine dahil sa sakit. Maging ang matandang kasama ko ay di malaman ang tamang ikikilos, makailang ulit siyang lumabas at pumasok ng ospital.
“Wala pa ba?” tanong ko kay manang. “Philip! Nasaan ka na?!” Napakasakit makitang ang isang tao ay nasa bingit ng pananganip pero wala namang magawa kundi ang mahintay. Masakit maging inutil.
“Wala pa, sir!” sagot niya. Tensyonado. Garalgal ang boses. “Tatawagan ko po muna.”
Naiwan akong mag-isa sa may pintuan ng emergency room. Naghintay. Umaasa. Tumayo ako mula sa aking pagkakaupo. Tinitingnan ko si Cristine mula sa nalalabing siwang. Ngunit bigo ako. Nakaramdam ako ng biglang pagdantay ng palad sa aking balikat. Si Philip kasunod si Angela. Tila nabigyan muli ako ng lakas.
Sunod-sunod ang aking buntong hininga. “Salamat.”
Tumuloy agad sa loob ng Emergency Room si Philip. Habang ako naman ay pinilit ni Angela na maghintay sa lobby.
“Halika na, walang maidudulot na maganda ang pag-alala,” kalmadong wika niya sa akin.
“Siguro nga. Madami kang dapat ipaliwanag sa akin.”
Mas pinili kong maghintay sa labas ng ospital para maibsan ang kaba na aking nararamdaman. Gusto kong magalit kay Angela dahil pinagtakpan nila ang sakit ni Cristine. May nagawa sana ako kung alam kong may sakit siya. Pero naging kalmado dahil sa kanila din nakasalalay ang kaligtasan ng taong mahal ko.
“Alam mo rin ba na may sakit ang kaibigan mo?” usisa ko agad.
Hindi agad siya nakapagsalita. Kumuha siya ng lakas ng loob sa sinindihang sigarilyo. “Oo matagal na. Kaya kami umalis dahil sa sakit niya.”
“Ano?!” gulat na gulat ako. “Iniwan n’yo siya sa ere?!”
Muli kong naramdaman ang pagdantay ng kanyang mga daliri sa aking kanang balikat. Sa pagkakataong iyon ay may diin. “Makinig ka muna.” Bahagyang tumahimik ang paligid. Naghihintay ng salitang manggagaling sa aming dalawa. “Umalis si Kuya para mas mapag-aralan sa ibang bansa ang sakit ni Cristine. Masyadong maraming oras ang gugulin kung dito siya mag-aaral. Mahal niya si Cristine kaya buong buhay niya ay inilaan sa pag-aaral.”
Sangkot pala si Cristine sa isang car accident tatlong taon na ang nakakaraan. Patay ang mga kasamahan niya. Siya naman ay maswerteng nakaligtas subalit madalas makaramdam ng pagkahilo at pananakit ng ulo.
“Ano bang sakit niya?!”
“Aneurysm. Brain Aneurysm. Nakuha niya iyon sa aksidente.”
“Bakit hindi agad ginamot? Habang maaga pa.”
“Ginagamot siya ni Kuya noon at kahit nasa US kami di niya kinakalimutang kamustahin ang kalagayan ni Cristine. Kung hindi naging pagpapabaya sa katawan si Cristine hindi aabot sa ganito. Bawal sa kanya ang alcohol at sigarilyo.”
“Bakit hindi mo agad sinabi sa akin ito?”
“Ikaw ang pumigil sa akin. Ayaw mong malaman ang nakaraan niya at ang relasyon n’ya kay kuya. Hinayaan ko ding si Cristine na lang ang magsabi sa’yo.”
“Shit!!!”
Naputol ang aming mag-uusap nang dumating si Brenda. Lumuluha siyang lumapit sa amin. Pareho na kaming nagtatanong kung bakit inilihim ang lahat sa amin. Pero tama si Angela, kagustuhan ni Cristine na ilihim ang lahat para maging normal ang pa din ang pagkatao niya. Ayaw niyang kaawaan.
“Philip! Kamusta ang lagay ni Cristine? Maayos na ba siya?” Sunod-sunod ang tanong ni Brenda nang makitang lumabas ng kwarto si Philip.
“Huminahon ka. Maayos na siya.” Nakangiting sabi ni Philip. Lahat kami ay nakahinga ng maluwag. “Sa ngayon.”
“Ano? Bakit sa ngayon lang?” nagtatakang wika ko.
“Kailangan siyang maoperahan. Para tuluyang mawala ang ang pananakit ng kanyang ulo.”
“Bakit hindi mo pa operahan ngayon kuya?”
“Gusto kong gawin pero ayaw niya. Mas mabuting kumbinsihin n’yo siya.”
Hinawakan ko ang dalawang balikat ni Philip. “Gising na siya?” Tumango lang si Philip. “Ako na ang kukumbinsi.”
“Room 44B.”
Tinungo ko agad ang kwartong pinagpapahingahan ni Cristine. Puno ako ng pag-asang mapapayag ko siya. May excitement pa akong pumasok ng kwarto at lumapit sa kama ni Cristine.
“Maayos na ba ang pakiramdam mo?” Hinawakan ko ang kanyang noo. Wala na ang lagnat.
“Mabuti na. Nahihilo na lang ng konti.”
“Gusto mo pa bang ituloy natin ang pamamasyal natin? Kapag maayos ka na?”
“Oo. Sana. Pero wala ng oras. Sayang talaga. Huli ka ng dumating sa buhay ko. Naitama ko sana ang lahat.”
“Marami pang oras. Hindi ba gusto mo pang pumunta ng Subic para kunan ng picture ang paglubog ng araw?”
“Oo.” Naluha si Cristine habang binabanggit ko ang wishlist niya na minsan naming nagpagplanuhan. “Pati ang pumunta sa Manila Zoo dahil di pa ako nakakapasok don.”
“Pinagtawanan pa nga kita noong sinabi mo ‘yan sa akin. Pero bumawi ka naman noong sinabi mong gusto mong makarating ng El Nido tapos magkikiss tayo habang pumasok sa underwater cave.”
“Loko ka kasi!” Kinurot niya ako sa tagiliran. Pinahid ko ang luhang gumuguhit sa kanyang pisngi. “Gusto ko din malasing sa tuba sa Quezon.”
“Kumain ng pansit habhab at umakyat ng Banahaw,” dagdag ko pa sa mga gusto niyang gawin kasama ako.
“Alam mo ang ba kung ano ang pinakagusto ko sa lahat?” nakangiting wika niya sa akin.
“Sa El Nido?” sagot ko.
“Sa lahat ng mga plano ko, ikaw ang gusto kong kasama. Iyon ang gusto ko. Mahal na mahal kasi kita Mr. Policeman.”
Sa unang pagkakataon nadinig ko sa kanya ang salitang iyon. Musika sa aking tenga na gusto kong paulit ulit kong madidinig. Mahal ako ni Cristine.
“Alam mo, matutupad ang lahat kung papayag ka ng magpaopera. Para sa’yo din iyon at para sa atin.”
“RJ, 20% na lang ang survival ko para saan pa?”
“Kahit 1% sumugal tayo. Kung iyon lang ang paraan para matupad natin ang lahat. Pumayag ka na please?”
Hinawakan niya ng mahigit ang aking mga kamay. Ngumiti. “Sige. Payag na ko babe.”
itutuloy.
Post Comment