FALL OF ADAM PART 13

Advertisements

Laking tuwa ko sa pagsang-ayon ni Cristine. Siguro matapos siyang operahan ay sisimulan na din niyang iwan ang mga nakasanayang bisyo. Ngayong alam ko na mahal niya ako, paggaling niya ay aalukin ko siya ng kasal. 

“Saan ka pupunta?” tanong sa akin ni Cristine ng bigla akong umalis sa tabi niya. “Dito ka lang.”

“Kay Philip. Sasabihin kong pumayag ka na.”

“Hintayin na lang natin siyang pumasok. Noong huli kang umalis sa tabi ko, bigla akong inatake e.”

Natakot ako sa sinabi niya kaya bumalik ako sa gilid ng kama. Nagtext na lang ako kay Angela na pumayag na si Cristine at siya na lang ang magsabi kay Philip para maihanda agad ang mga kailangan. Sa kwento ni Philip kailangan operahan si Cristine para lagyan ng clip ang bumukol na ugat at tuluyang mapigilan ang pananakit ng ulo ni Cristine.

“Sige. Nagugutom ka ba? Magpapabili ako ng pagkain kay Manang.”

“Hindi pa. Kasama mo si Manang?”

“Oo. Pati sina Brenda at Angela.”


“Aba! Kompleto pa talaga kayo ha!” Nangislap ang mata ni Cristine. Puno ng sigla. 

Inayos ko ang muntik ng malaglag na unan dahil sa biglang pagkilos ni Cristine. “Hindi nila mapigilang mag-alaala e. Mahal ka naming lahat.”

Bahagyang tumahimik si Cristine. Tinitigan ako sa mata. Hinagilap niya ang aking kamay at pinagdaop ang aming mga palad. “Salamat sa kagustuhan mong dugtungan pa ang buhay ko. Pangako ilalaan ko sa’yo ang oras ko.”

Napangiti ako. Inalis ko ang buhok ng tumatakip sa kanyang mata. “Kaya magpalakas ka agad.”

“Iba ang ngiti mo ah! Parang iba ang balak mo! Balak mo na agad akong manghina paglakas ko…” 

“Ano ka ba?! Ikaw ang iba mag-isip. Gusto ko lang tuparin ang wishlist mo.”


Biglang hinawakan ni Cristine ang kanyang ulo. Napangiwi siya. Kahit ayaw niyang magsalita alam kong may nararamdaman s’yang kakaiba. 

“Anong nararamdaman mo?” 

“Epekto siguro ng gamot. Ewan ko. Hindi ko alam.” 

“Tatawagin ko si Philip!”

“Inaantok ako…” Mahina ang boses ni Cristine at tila naghahabol ng hininga. Tumayo ako para humingi ng tulong. “Huwag kang aalis….” Mahigpit ang hawak niya sa aking braso. 

Bumigat ang dibdib ko habang pinapanood siya sa ganoong sitwasyon. Hirap na hirap siya sa pagsasalita. Naghahabol siya ng hininga. “Sige, hindi ako aalis… ” Bumagsak ang kanina ko pa pinipigilang luha. “Andito lang ako.. Sa tabi mo.”

“Paggising ko….” Pahina ng pahina ang kanyang boses. “Nasa tabi… pa din… kita?”

Tumango ako. “O-oo. Lagi akong nasa tabi mo sa bawat paggising mo.” Tuluyang bumitaw sa pagkakahawak sa aking braso ang kamay ni Cristine.

Nakabibingi ang matinis na tunog sa loob ng kwarto. Nanlambot ako sa tuwid na linyang nakikita ko. 

“Philiiippp!!!! Tulong!!!”

Mabilis na pumasok si Philip para saklolohan si Cristine. Habang ako ay patuloy na umaasang magiging maayos pa ang lahat. Hindi ako mapakali. Kabado. Gusto kong ihampas ang ulo ko sa pader dahil wala akong maibigay na tulong. 


Patuloy ang pagbagsak ng aking luha na akala ko ay hindi ko mararanasan dahil sa tibay ng loob na galing sa mga pinagdaanan kong training sa pagiging pulis. Umiling si Philip. Ilang beses akong nagmakaawa sa kanya na gawan ng paraan. Lumuhod ako sa harap niya habang umiiyak.

“Philip? Doctor ka! Sabihin mong may pag-asa pa!”

“Iyon nga ang masakit… doktor ako pero wala din akong nagawa.”


Wala na si Cristine. Wala na ang taong mahal ko. Tanging alaala na lang niya ang kasama ko. Pinuntahan ko ang mga lugar na balak niyang marating bilang pagtupad sa wish list niya. Magkasama pa din kami dahil sa puso ko hindi siya nawala.

“Miss isa ngang pan cake.” Natutunan ko ng mahalin ang pan cake kahit may allergy ako sa pagkain may itlog. Hindi bale ng magkaroon ng ilang pantal kung ang kapalit naman ay kasiyahan.


-finish-
—–

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Post Comment