FALL OF ADAM PART 7

Advertisements

Komportable akong naupo sa malambot na sofa malapit sa may pintuan. Inibangan ko kung may darating pang ibang bisita. Inilibot ko ang aking paningin sa buong kabahayan kung may nauna sa aming dumating. Pero walang ibang tao. Kami lang at ang may-ari ng bahay na si Angela. Bahagyang napanatag ang loob ko dahil wala akong nakitang lalaki.

Maganda si Angela. Hindi siya nagpapahuli kay Cristine. Halata sa kanyang balat na matagal ang kanyang ipinamalagi sa bansang di tropikal dahil sa labis na kaputian. Mausisa din siya. Madalas niyang ungkatin kung paano ako naging kakilala nina Cristine. Minsan inilalaglag din niya ang kaibigan na pumapabor naman sa akin.

“Anong work mo?” usisa ni Angela. “Buti nakakayanan mo ang katigasan ng ulo ni Cristine.”

Tumingin muna ako kay Cristine bago magsalita. Pinandilatan niya ako ng mata. “Pulis ako. Kaya ko nga siya nakilala dahil matigas ang kanyang ulo.” Nagtawanan ang lahat. “Ikukulong ko na nga dapat e.”

“Nilandi siya ni Cristine kaya di n’ya ikinulong,” sabat ni Brenda. 

“So anong nangyari after siya landiin?” excited na tanong ni Angela habang pilit na tinatakpan ni Cristine ang bibig ko. 


“Ikinulong ni Cristine si RJ sa bisig niya!” pagbubulgar ni Brenda. “Hindi nakapalag ang pulis.”

Inilahad pa ni Brenda ang madalas na pagkikita namin ni Cristine. Naging interesado naman si Angela kaya nakinig siya sa bawat kwento. Inusisa niya ang mga lugar na pinuntahan namin.


“Ah e, ganun na nga!” sang-ayon ko naman. Halos maging sentro ng katuwaan si Cristine. “Sinamantala ang kahinaan ko e.”

“Guys, ginagawa n’yo akong katawa-tawa ha,” si Cristine. 

“Akala mo ikaw lang?” segunda ko.

“Tin, kumusta naman ang pulis na matulis?” si Angela.

“Hmmm. Sabihin na nating kung may asawa s’ya eh maeenjoy kong maging kerida,” sagot niya kay Angela.

“Eh, wala naman akong asawa. Anong naeenjoy mo ngayon?” hirit ko.

“Ayan! Nag-iimbestiga na ang parak!” sabat ni Brenda.

“Siyempre ang fire arms!” Namula ako sa mga sumunod na usapan ng mga babae. 


Matagal tagal din ang aming kwentuhan nang may biglang dumating na sasakyan. Pinagdaop ni Cristine ang kanyang palad at kiniskis ng ilang ulit habang sinulyapan ang parating. Tinitigan ko siya. Bahagyang nagtagpo ang aming paningin at muling ibinalik ang atensyon sa parating. 

“Kuya!” salubong ni Angela sa kapatid. “Nandito na sila.”

May pusturang tumayo si Cristine. Sinalubong ng ngiti ang lalaki na sa palagay ko ay si Philip. Naghintay siya ng pagkakataong lumapit ito at hinalikan sa pisngi. Tumayo din ako at kinamayan siya matapos magkakilala. Hindi ko alam kung saan ko ilulugar ang aking sarili dahil natuon ang atensyon ng lahat sa bagong dating. 

Magiliw na kinausap ni Cristine si Philip. Binalikan nila ang nakaraan at inisa-isa ang mga pagbabago mula noong huli nilang pagkikita. Tango at ngiti lang ang naging sagot ko kung makakasali ako sa usapan. Namaalam kong maninigarilyo sa labas bago pa ako atakihin ng inip. 

Sumandal ako sa konkretong poste at nagpalipas ng oras. Pinakawalan ko sa hangin ang usok mula sa aking bibig. May alinlangan ako kung dapat pang ipagpatuloy ang pakikipagkita kay Cristine. Nandito na si Philip at halatang mas malaki ang interes niya sa lalaki. Tulad ng sinabi noon ni Brenda si Philip ang dati. 

Kung iiwas naman ako baka tawanan ako ni Cristine. Kailangan ipakita ko pa din na matigas ako. Hindi dapat ako magpakita ng kahinaan. Maaga pa para maging apektado ako. 

“Hindi ka pa ba babalik sa loob?” Tiningnan ko ang nagsalita. Si Angela. 

“Uubusin ko lang ‘to.” tukoy ko sa hawak kong sigarilyo.

“Hello…” may arteng wika niya. “Kanina ka pa dito sa labas. Gusto mo pa yatang sunugin ang baga mo bago ka pumasok sa loob.”

“Isa na lang ‘to.”

“Promise?” pangungulit niya. 

“Oo.”

Lumapit siya sa akin. Kumuha ng isang stick ng sigarilyo. Sunod-sunod ang hithit niya bago nagsalita. “Do you like her?” tanong niya habang nakatingin sa kawalan. 

“Huh?” 

“Do you like her?” tanong niyang muli. “Si Tin. May ikuwento ako sa’yo kung aaminin mo!”

“Hindi ko alam.”

“Labo naman ng sagot mo! Akala ko pa naman may mapipiga ako sa’yo.”

“She’s attractive. Kaya madaling magustuhan.” pagtatapat ko. “Pero sa ugali, may ilang bagay kasing hindi ko gusto.”

“So, gusto mo siya?”

“Siguro.”

“Magkukwento na nga lang ako. Kahit hindi ka interesado.”

“Makikinig ako.”

“Classmate ko sina Cristine at Brenda. Galing kami sa all-girls school. Si Cristine ang malakas ang loob sa aming tatlo kapag may nang-aasar sa amin na mga lalaki sa kabilang school siya ang nagtatanggol sa amin.”

“Palaban na pala talaga siya noon pa.”

“Oo. Pero pagdating sa love, siya ang late bloomer. Hindi pa nga siya nagkakaboyfriend e.”

“Kasi nga ayaw niya ng commitment. Hindi siya open sa relationship.”

“Mali ka!” 

“Iyon ang kwento nya sa akin e.” katwiran ko agad. 

“She’s always waiting for a perfect guy. A prince charming tulad ng mga nasa fairy tale.”

“Hindi talaga darating iyon kasi fairy tale nga e.”

“Makinig ka muna. Daldal mo naman ngayon!”

“Pasensya na.”

Sa kwento ni Angela, madalas noong sa bahay nila si Cristine. Naging daan iyon para mapalapit ang loob ni Cristine kay Philip. May girlfriend noon ang lalaki kaya pinigil niya ang nararamdaman. Subalit hindi na niya napigilan noong mismong si Philip ang nagconfess ng kanyang nararamdaman. Hindi sila nagkaroon ng relasyon pero naimpluwensyahan ng kuya ni Angela ang isip ni Cristine kaya naging bukas ang utak nito sa mga nangyayari sa kanila. 

“Uwi na tayo RJ.” singit ni Cristine. “May pasok pa kasi bukas.”

“Oo nga almost two na din pala,” sang-ayon ko. 

“Tara.” Hinalikan niya si Angela at Philip sa pisngi bago pumasok ng sasakyan.

“RJ. Wait.” pahabol ni Angela. 

Bago pa ako nakapagsalita kinabig ako ni Angela at hinalikan sa labi. 


itutuloy…

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Post Comment